Ang galang sa kapwa’y lubhang mahalaga, Akala ng iba mayaman ang bida, At ang mga dukha, galang ay wala na, Akalang ganito ay masama’t lisya.
Ang bansang mayaman bigay ay ayuda, At may taling pisi ang iaalay niya, May mga kondisyon na tali sa iba, Kaya naisulong ang kapakanan niya.
Sa bigay na tulong na may taling pisi, Nawala ang galang sa bansang pinili, Subali’t talamak ang ganitong gawi, Di agad makita kung di nagsusuri.
Ang bigay na tulong kung talagang tulong, Ibibigay ito sa tulong na layon, Kung makamahirap bansang may donasyon, Magbigay sa salat, wala nang kondisyon.
Pagka’t pag ang dukha ay nakahalata, Na ang tulong pala ay pakitangkapwa, Alam niyang ang galang doon ay nawala, At relasyon nila ay puwedeng masira.
Ang isang kaibigan dapat na igalang, At hindi estado ng buhay batayan, Kung kunwari’y galang at turing basahan, Magiging masama itong palagayan.
Paggalang ay dapat manggaling sa puso, Dapat ito’y tapat sa magandang turo, Dapat ito’y pantay sa nais magkuro, Dapat ay totoo, tunay, hindi biro.
Merong galang ngayon na pakitang-tao, Sa madla pakita’y totoong totoo, Nguni’t lisya ito sa tunay na mundo, Paggalang ay dapat na laging iwasto.