Apat na modular treatment plants ang kasalukuyang ipinapatayo ng Maynilad sa lalawigan ng Cavite upang matugunan ang isyu sa paulit-ulit na water service interruption sa ilang mga lungsod at bayan nito. Kabilang sa mga ito ang isang planta sa Imus, na kasalukuyang tapos na at kaya umanong maglabas ng 4 milyong litro ng malinis na tubig kada araw, na inaasahang makakapagdagdag sa kinakailangan suplay at mabawasan ang service interruption sa lungsod.
Dagdag pa rito, kapag natapos na ang isa pang planta na ipinapatayo sa Imus ay nasa mahigit 22 milyong litro kada araw ang madadagdag sa suplay ng tubig, kung saan manggagaling Julian River ang tubig na ipo-proseso ng planta.
“Itong treatment facility na ito, specifically to address underserved areas namin sa Cavite at ‘yong sobra po nito ilalabas din namin sa ibang lugar,” ani Ronald Padua, head ng water supply operations sa Maynilad.
Sa kasalukuyan ay local permit na lamang ang hinihintay upang mapagana ang isang planta sa Imus.
“‘Yung sa Imus, inaasahan namin [ang] initial production ngayong summer months of 2023, maybe May, latest na ‘yong June… full production [is] September this year,” ani Padua. Samantala, isang magandang balita na mahigit 20 milyong litro ang inaasahan na kayang ma-produce ng planta sa Bacoor pagdating ng 2024. (GO CAVITE)