• Mon. Jun 9th, 2025

Kooperasyon ng Bacoor City, San Luis, Batangas LGUs sa paghahatid ng serbisyo, pinagtibay

Byadmin

Aug 20, 2023

BACOOR CITY, Cavite (PIA) — Pinagtibay ng pamahalaang bayan ng San Luis sa Batangas at pamahalaang lungsod ng Bacoor sa Cavite ang kooperasyon ng dalawa pagdating sa pagbibigay ng angkop na serbisyo sa mga nasasakupan nito sa pamamagitan ng pagpasok sa isang sisterhood agreement.

 Pormal na nilagdaan nina San Luis Mayor Oscarlito Hernandez at Bacoor City Mayor Strike Revilla ang kasunduan nitong Huwebes, ika-3 ng Agosto sa pamahalaang lungsod ng Bacoor.

 Layunin ng sisterhood agreement na pahusayin at palawakin ang kooperasyon ng dalawang lokal na pamahalaan at palakasin ang makabuluhang pagpapalitan ng mga ideya para sa pagpapaunlad ng iba’t ibang sektor.

 Sa ilalim ng kasunduan, magtutulungan ang dalawa pagdating sa pagpapalakas ng turismo, edukasyon, agrikultura, kalusugan, agham at teknolohiya, industriya at komersiyo.

 Para kay Hernandez, ang sisterhood agreement na kanilang nilagdaan ay magbibigay daan sa pagpapalakas at pagbibigay ng angkop na serbisyo para sa mga mamamayan ng San Luis gayundin sa pagpapaunlad ng agrikultura at turismo sa kanilang bayan.

 “Malaking tulong ito lalo na po sa aming bayan sapagkat ang bayan na katulad namin na nasa fourth class municipality ay tunay na aandap-andap ang aming kabuhayan, ang aming budget ay para lang sa pampasahod halos sa aming mga manggagawa. Wala kaming maipagawang pagawaing bayan dahil sa kakulangan sa pondo,” ani Hernandez. (PIA 4A)

 Tiwala si Hernandez na ang kasunduan sa pagitan ng kanilang mga lokal na pamahalaan ay magdadala ng isang maayos, matibay, at matatag na ugnayan.

 Nagpaabot naman ng pasasalamat si Revilla kay Hernandez para sa pagpili sa kanilang lungsod bilang katuwang nito sa pagbibigay ng mas maayos na serbisyo sa kanyang mga nasasakupan.

 “Ang sisterhood ay pagtutulungan at pagkilala natin sa bawat isa bilang magkapatid na bayan kung ano man po ang magagawa ng City of Bacoor. Bukas palad po namin kayong tatanggapin dito sa lungsod ng Bacoor at marami po kayang matutunan dito,” pahayag ni Revilla. (PIA 4A)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *