• Wed. Jun 4th, 2025

IMUS PRIDE 2023, ARAW NG PAGBANDERA SA PAGKAKAKILANLAN NG LGBTQIA+ MEMBERS

Byadmin

Jun 25, 2023

Napuno ng makukulay at malilikhaing indibidwal ang Imus City Plaza sa pagdaos ng Imus Pride 2023 ng Pamahalaang Lungsod ng Imus nitong Sabado, Hunyo 17, 2023, na pinangunahan ng City of Imus Youth Affairs Office (YAO).

Sa temang  “Embracing   Differences, Celebrating Diversity,” tampok sa pagdiriwang ang iba’t ibang aktibidad na nagpapalakas sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community na ipahayag ang kanilang mga sarili, at patuloy na isulong ang laban tungo sa pantay na pagtingin sa anumang kasarian.

Sinimulan ng komunidad ang pagbandera sa kanilang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng Pride Parade, tampok ang kanilang mga naggagandahang kasuotan. Kabilang din dito ang Reyna ng Turismo Cavite 4th Runner Up na si Ms. Sophia Viray.

Sinundan ito ng Pride Convo, kung saan tinalakay ni Miss Trans Global 2020 Mela Habijan ang kahalagahan ng pagsulong ng Anti-Discrimination Bill sa Kamara.

Nagtapos ang gabi sa pagtatanghal ng mga talentadong Imuseño at miyembro ng LGBTQIA+ community at sa pasiklaban ng mga kalahok ng Wear Ur Pride Costume Contest sa SOGIE (Sexual Orientation, Gender Identity, and Gender Expression) Night.

Hinirang sa naturang kompetisyon bilang Top 3 Best in Costume sina Resty Siarez, Ris Alday, at Jergens Del Rosario.

Itinampok din sa Pride Fair ang mga gawang produkto ng mga miyembro ng komunidad.

Naghatid naman ng libreng HIV screening at testing at ng libreng condom, lubricant, at pills ang Test Landing on You ng Imus City Health Office, gayundin ang libreng HIV protection, test, and treatment ng Mobile Health and Wellness Caravan ng Pilipinas Shell Foundation Inc.

Nagpahayag din ng suporta sina Konsehal Darwin Remulla, Konsehal Atty. Wency Lara, Konsehal Enzo-Asistio Ferrer, SK Federation President Joshua Guinto, Imus YAO Officer-in-charge Jericho Reyes, Acting City Tourism Officer Dr. Jun Paredes, at ang kinatawan ni Congressman Adrian Jay “AJ” Advincula na si Chief of Staff Allen Atienza. Ang Imus Pride 2023 ay isa sa mga programa ng Pamahalaang Lungsod ng Imus na nagsusulong sa pantay na karapatan ng bawat isa, higit ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community na nakararanas ng araw-araw na panghaharas dahil sa kanilang pagkakakilanlan.(City Government of Imus)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *