Lahat nagbabalik sa pinanggalingan, Tulad sa magbiyahe ka nang pasilangan, Sa tuloy na lakbay dinatnan kanluran, Hanggang sa sumapit sa pinanggalingan.
Sapagka’t ang tuwid na akalang lakbay, Lumiliko ito na wala kang malay, Layo mo sa lupa ay singtaas lamang, Kaya umikot kang di mo namalayan.
Yaong liwanag din na akala’y tuwid, May kurbang maliit na napakakitid, Sinag ng bituin sa mundo’y sumapit, Tingin mo’y diretso sa mali mong titig.
Nguni’t ating lakbay paikot sa araw, Alam nating ligid lamang pag tinanaw, Lakbay nati’y ligoy na ang babalikan Ay ating simula sa pinanggalingan.
Merong nagsasabi na ang ating Big Bang Ay naging simula nitong Sanlibutan, May nagsabing tuwid ang sabog na ganyan, Kaya lumalayo sa pinanggalingan.
Subalit hula ko na merong batayan, Di tuwid ang sabog, lumiko din naman, At spiral galaxy ang pinagtularan, Ruweda ng fireworks, hugis ng larawan.
Habang sumasabog palayo sa gitna, Umiikot naman ang gitnang simula, Pagmasdan ang bilog, papalaking lubha, At pabilog pa rin ang buo niyang mukha.
Sabi ng scientist, Universe daw natin, Wala itong sentro’t lahat palayo rin, Di ito ang hulang aking sasabihin, Meron itong sentrong ating liliguyin.