• Mon. Feb 16th, 2026

LUNGSOD NG BACOOR, TINIYAK ANG SUPORTA SA MGA MANGINGISDA SA GITNA NG ORDINANSA NG CAVITE CITY

Byadmin

Feb 16, 2026

Sinbanali Covered Court | Pebrero 13, 2026 – Sa pangunguna ni Mayor Strike Revilla, at sa pakikipagtulungan ng Office of Agricultural Services sa ilalim ni Mr. Allan Chua, nagsagawa ng pagpupulong ang Pamahalaang Lungsod ng Bacoor kasama ang mga mangingisda mula sa mga barangay ng Poblacion, Maliksi 1 & 2, Sinbanali, Talaba 2, Zapote 3, at Kaingin.

Layunin ng pagpupulong na tugunan ang mga alalahanin kaugnay ng bagong ordinansa mula sa Lungsod ng Cavite na nagbabawal sa pagtatayo ng “tulos” sa kanilang teritoryo. Dahil dito, 65 mangingisda mula sa Bacoor ang nahuli at kinakailangang magbayad ng multang ₱5,000 at gibain ang kanilang mga tulos bago ang Pebrero 16.

Sa tulong nina Mayor Strike Revilla, BM Alde Pagulayan, Kongresista Lani Mercado Revilla, at Kongresista Jolo Revilla, nakipag-ugnayan sila kay Mayor Denver Chua ng Cavite City. Bunga nito, nabigyan ng ekstensyon hanggang Mayo 30, 2026 ang mga apektadong mangingisda at pinawalang-bisa ang multa laban sa kanila.

Dumalo rin sa pagpupulong sina Kapitan Caridad Sanchez at mga kagawad ng Barangay Council, pati na si Mr. Vicente Madrid ng CFARMC.

Napagkasunduan din na makikipagpulong si Mr. Allan Chua, bilang kinatawan ng Bacoor City Agriculture Office, sa Cavite City FARMC upang mas mapag-usapan ang sitwasyon at makahanap ng solusyong kapaki-pakinabang sa lahat. Ang magiging resulta ng pag-uusap ay agad na ipararating sa mga mangingisda.

Ipinapakita ng hakbang na ito ang patuloy na dedikasyon ng Pamahalaang Lungsod ng Bacoor na pangalagaan ang kabuhayan ng mga mangingisda, habang pinananatili ang maayos na ugnayan sa mga karatig-lungsod.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *